Oktubre 14, 2021

Huwebes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon

Lk. 11:47-54

Bilang mga dalubhasa, inaasahan na mas alam ng mga eskriba at Pariseo ang nakasulat sa Bibliya at kung ano ang nararapat gawin na naaayon sa kalooban ng Diyos. Ngunit sa Ebanghelyo, tinuligsa sila ni Hesus hindi lamang sa kanilang pagkukunwari kundi pati na rin dahil sa kanilang mataas na pagtingin sa kanilang mga sarili.

Maitatanong tuloy natin, sino ba ang epektibong tagapangaral ng Salita ng Diyos? Ang isang dalubhasa sa Bibliya? Ang isang pari o relihiyoso? Ang isang Obispo? Ang isang nag-aaral ng teolohiya sa UST? Ang isang magaling magsalita? Sino nga kaya?

Ito ay nasagot na ng tema ng Kapistahan ng Mahal na Ina ng Santo Rosaryo La Naval de Manila ngayong taon, "Maria: Huwarang Saksi sa Limangdaang Taong Pananampalatayang Kristiyano." Ang pinakamainam na paraan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos ay ang pagsasabuhay nito tulad ng halimbawang ibinigay sa atin ni Maria. Kung atin mismong ginagawa ang ating itinuturo, mas naiaabot natin ang mensahe ni Kristo sa ibang tao.

Mainam ding bigyang linaw na hindi naman masama ang maging dalubhasa o eksperto sa teolohiya, pilosopiya at iba pang larangan. Nagkakaroon lamang ng suliranin kung puro tayo intellectual virtues at wala o kulang sa moral virtues. Kaya ang tanong sa atin ngayon, anu-anong mga virtues ang meron tayo?

Alam nating hindi ito madali. Mahirap na mga mag-aral at mahirap din ang magpakabait. Paano na? Kadalasan tuloy nauuwi tayo sa pagkukunwari o hipokrisiya nang hindi natin namamalayan ngunit kailanman ay walang mabuting maidudulot ito. Tulad ng nabanggit, iniwasto ni Hesus ang mga eskriba at Pariseo. Tayo rin ay patuloy na pinapaalalahanan ng Mabuting Balita at ng Simbahan sa kung ano ang dapat at totoo. Nawa'y hindi rin tayo magsawang itama ang bawat isa.

Ngunit sa ating pagpapahayag, nariyan din palagi ang tukso. Maaaring makumpiyansa tayo sa ating mga sarili o kaya'y maging bilib na bilib sa ating mga nagawa. Maaari rin tayong lamunin ng atensyon at papuri ng ibang tao. Minsan, hindi na natin mamamalayan na hindi na pala si Kristo ang ating ipinapahayag kundi ang ating mga sarili. Ngunit sa huli, wala naman talaga tayong maipagmamalaki. Lahat ay grasya. Lahat ay nagmula sa Diyos kaya marapat lamang na ibalik natin ang lahat ang papuri at pasasalamat sa Diyos.               

Patuloy nawa tayong magsikap na gawing pagpapahayag ng Salita ng Diyos ang ating buhay. Mag-aral nang mabuti at magpakabait upang mapuspos ng parehong intellectual at moral virtues. Tulad ni Maria, tayo na't maging mga huwarang saksi!


This free site is ad-supported. Learn more