Agosto 18, 2021

Huwebes sa Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon

Mt. 22:1-14 Talinghaga Tungkol sa Kasalan

Pagkagising natin sa umaga, ano ang una nating ginagawa? Madali itong sagutin ngunit hindi ko na iisa-isahin kung ano-ano ang mga maaari nating mga sagot. Ngunit ang tiyak ay may ibig sabihin o may sinasabi ang ating mga kasagutan tungkol sa atin, lalo na kung ano ang mahalaga para sa atin. Kadalasan kasi, ang ating mga iniisip, ligalig o mga preoccupations ang nagdidikta sa kung ano ang ating mga ginagawa. Kaya mas mainam siguro na tanungin kung ano ba ang mga preoccupations nating ito.

Sa Talinghaga Tungkol sa Kasalan sa Ebanghelyo ngayong araw, maririnig natin na inilalarawan ni Hesus ang isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ngunit ang masaklap ay hindi nagsidalo ang mga inanyayahan kahit na maraming inihanda ang hari at nagkatay pa ng baka at pinatabang guya.  Marami silang dahilan. Kesyo may iba silang lakad, o kaya may trabaho pa silang gagawin sa kanilang bukid o may aasikasuhin sa kanilang negosyo.

Makikita natin dito ang mga preoccupations ng mga inanyayahan ng hari na para bagang mas mahalaga pa ang mga ito sa maringal na piging na inihanda para sa kanila. Nakalulungkot lamang kung paano ipinagwalang bahala ng mga sana'y panauhin ang imbitasyon ng hari.

Inihalintulad ni Hesus ang kasalang iyon sa kaharian ng Diyos. Inaanyayahan ang lahat upang magtipon sa piging ng Panginoon ngunit hindi lahat ay tumutugon. Marami kasi tayong mga preoccupations. Marami tayong ibang pinagkaka-abalahan na nagiging dahilan upang malayo tayo sa Diyos. Kadalasan, aminin man natin o hindi, inuuna pa natin ang ibang mga bagay kaysa sa ating Panginoon.

Ngunit maganda rin na ating bigyang-linaw na hindi naman masama ang magkaroon ng preoccupations kung ang mga ito ay may kabuluhan.  Kung tutuusin kasi, sa mga ito natin naipamamalas ang mga biyayang natanggap natin mula sa Panginoon – mga talento, kasanayan at iba pa. Nararapat lamang na hindi natin ipagdamot ang mga ito at lalo pa natin silang pagyamanin.

Nagkakaroon lamang ng mga suliranin kung isinasantabi natin ang paanyaya ng Panginoon tulad ng sa talinghaga. Pero sino ba tayo upang pagsarahan ng pintuan ang ating Panginoon? Sino ba tayo para tumanggi sa grasya? Sino ba tayo? Kaya hari nawa ay maisama naman natin sa ating mga preoccupations kung paano natin mapapaganda ang ating relasyon sa ating kapwa lalo't higit sa Diyos. Sana kasama o dili kaya'y no. 1 si Hesus sa ating mga prayoridad.

Kaya naman, ang mas maganda sigurong itanong natin sa ating mga sarili ngayon ay ang sikat na linya mula sa komersyal ng isang kape, "Para kanino ka bumabangon?" Sana ang sagot natin ay si Hesus.  


This free site is ad-supported. Learn more